TIKTOK: BILANG MAKABAGONG PANDULOG AT ESTRATEHIYA SA PAGTUTURO NG ASIGNATURANG FILIPINO


Jasmine G. Cabanalan , Sierra Marie S. Aycardo Ph. D.
Teacher II, Laguna State Polytechnic University, Main Campus
Abstract
Ang pag-aaral na ito ay may titulong “TIKTOK: BILANG MAKABAGONG PANDULOG AT ESTRATEHIYA SA PAGTUTURO NG ASIGNATURANG FILIPINO. Layunin ng pag-aaral na ito na mabatid ang kabisaan ng aplikasyong TikTok bilang makabagong pandulog at estratehiya sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa mga mag-aaral ng ikalabing-isang antas (11) sa Taong Panuruan 2020-2021. Batay sa nakuhang datos, ang bisang pangkaisipan, bisang pandamdamin at aktibong pagkatuto ay kapwa lubhang matataas. Samakatuwid ang aplikasyong TikTok ay epektibo sa paglinang ng intelektwal na kasanayan, sariling pagpapahalaga, aktibong paglinang at paglalapat ng kaalamang natamo ng mga mag-aaral. Ukol sa kinalabasan ng antas ng paunang pagsusulit ng mga mag-aaral, ito ay may markang medyo kasiya-siya habang ang panapos na pagsusulit naman ay nakakuha ng markang kasiya-siya. Nangangahulugan lamang ito na may makabuluhang pagkakaiba ng antas ng kanilang pagganap. Ang haypotesis na walang makabuluhang pagkakaiba ang antas ng pagganap ng mga mag-aaral batay sa pauna at panapos na pagsusulit ay hindi tinanggap. Samakatuwid ay nagkaroon ng makabuluhang pagkakaiba sa mga nakuhang iskor ng mga mag-aaral. Ang haypotesis na walang makabuluhang kaugnayan ang paggamit ng TikTok bilang makabagong pandulog at estratehiya sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa pagganap ng mga mag-aaral ay hindi tinanggap. Samakatuwid ay may makabuluhang kaugnayan sa pagitan nito. Ang paggamit nang nasabing pamamaraan sa tulong ng aplikasyong TikTok ay mabisa. Dahil sa positibong kinalabasan ng pag-aaral, ang binuong mga bidyo sa pamamagitan ng aplikasyong TikTok ay maaaring gamitin bilang makabagong pandulog at estratehiya sa pagtuturo ng asignaturang Filipino. Ang mga guro ay hinihikayat na tumuklas pa ng mga makabagong estratehiya na maaaring maging lunsaran ng pagpapataas ng pagganap sa asignaturang Filipino. Malaki rin ang maitutulong ng mga teknik na ito sa mas madaling proseso ng pagkatuto at pagdaragdag ng kaalaman sa mga mag-aaral.
Keywords: TikTok, pandulog at estratehiya sa pagtuturo, bisang pangkaisipan, bisang pandamdamin, bisa sa aktibong pagkatuto
Journal Name :
EPRA International Journal of Research & Development (IJRD)

VIEW PDF
Published on : 2021-07-12

Vol : 6
Issue : 7
Month : July
Year : 2021
Copyright © 2024 EPRA JOURNALS. All rights reserved
Developed by Peace Soft