ISANG PAGSASALIN AT PAGSUSURI SA MGA PILING MAIKLING KUWENTO
Dr. Jeanette Mendoza-Baquing
Associate Professor 3,College of Education, Tarlac State University, Tarlac City, Philippines
Abstract
Ang pananaliksik na ito ay tungkol sa pagsasalin at pagsusuri sa labinlimang (15) maikling kuwentong hinango sa Philippine Literature. Sa kabuuan ay nilayong tugunan ng pag-aaral na ito ang mga sumusunod: Ang kahusayan ng pagkakasalin ng mga maikling kwento batay sa tuntuning panretorika, kawastuhang panggramatika, gamit ng matatalinhagang pananalita, kalinawan ng salita at katangiang pampanitikan. Ang kaangkupan naman ng pagkakasalin ay ibinatay sa tema, damdamin, kayarian at kaisipan. Pagkatapos maisalin ay sinuri rin ng mananaliksik ang mga maikling kuwento upang makita ang teoryang higit na nangibabaw sa bawat akda.
Komunikatibong salin batay sa dayagram ni Newmark ang paraang ginamit at ang naging patnubay ay ang mga hakbang sa pagsasalin na iminungkahi ni Santiago (1991). Ang ginamit na metodo sa pag-aaral ay palarawang pagsusuri (descriptive-analytic). Sa pamamagitan ng talatanungang ibinatay sa ginamit nina Cabra, Sustento at Cabiling, limang tagataya ang tumiyak ng kahusayan at kaangkupan ng salin na isinagawa ng mananaliksik.
Batay sa kinalabasan ng pagtataya, ipinahayag ng mga tagahatol na Napakahusay ng ginawang pagsasalin sa pangkabuuang katamtamang tuos na 4.52 at Napakaangkop din ng pagsasalin na mga maikling kwento na may pangkabuuang katampatang tuos na 4.62. Sa pangkabuuang pinagsamang tuos na 4.58 naipakita na taglay ng mga maikling kwento na Napakahusay/Napakaangkop ng pagkakasalin ng mga ito. Sa pagsusuring ginawa, ay nangibabaw ang teoryang humanismo, romantisismo, feminismo at siko-analitiko ng mga maikling kuwento. Sa pamamagitan din ng teoryang istrukturalismo ay naipakita ang kaangkupan ng wikang ginamit sa pagsasalin.
Sa kabuuan, mahalaga ang pag-aaral na ito upang madagdagan ang kakulangan ng mga babasahing nauugnay sa pagsasalin at pagsusuri ng mga akdang pampanitikan. Maaari rin itong mapagbatayan ng mga mag-aaral sa kanilang mga suring-basa upang higit na malinang sa kanila ang mataas na kakayahan sa pang-unawa ng kontekstwal na kahulugan ng mga babasahin.
Keywords: pagsasalin, pagsusuri, komunikatibong salin, kahusayan, kaangkupan, teoryang pampanitikan
Journal Name :
VIEW PDF
EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR)
VIEW PDF
Published on : 2023-06-05
Vol | : | 9 |
Issue | : | 6 |
Month | : | June |
Year | : | 2023 |