KOMPIYA (KOMUNIKASYON AT ORTOGRAPIYA): KAGAMITANG PAMPAGKATUTO SA FILIPINO AT KAKAYAHAN SA PROSESO NG PAGSULAT SA PAGGANAP NG MGA MAG-AARAL


Nazereth Renz R. Villasorda
Laguna State Polytechnic University , Sta. Cruz Laguna 4009 Philippines
Abstract
Ang pananaliksik na ito ay naglayon na makabuo ng kagamitang pampagkatuto sa Filipino at mapaunlad ang kakayahan sa proseso ng pagsulat sa pagganap ng mga mag-aaral sa ikalabing-isang baitang ng Dayap National Integrated High School. Nilayon nito na malaman ang antas ng kawastuhan ng KOMPIYA bilang kagamitang pampagkatuto, gayundin ang pagganap sa proseso ng pagsulat at sa replektibong sanaysay. Inalam din ang makabuluhang epekto ng kawastuhan ng KOMPIYA bilang kagamitang pampagkatuto sa Filipino at kakayahan sa proseso ng pagsulat. Bumuo ng interbensiyon upang mapaunlad ang kagamitang pampagkatuto na KOMPIYA. Ginamit din sa pag-aaral na ito ang deskriptib na pamamaraan. Upang makalap ang datos, gumamit ang mananaliksik ng talatanungan at pagsulat ng replektibong sanaysay. Ang mga tagasagot ay kabuuang limang (5) pangkat na nagmula sa iba’t ibang strand ng senior high school sa Dayap National Integrated High School na pinili sa pamamagitan ng purposive sampling. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, ang antas ng pagtanggap ng mga tagasagot sa kawastuhan ng KOMPIYA batay sa layunin, nilalaman, pagsasanay, disenyo, teknikal na pormat, at kaangkupan ay nangangahulugang lubos na katanggap-tanggap. Masasabi rin na ang antas ng paggamit ng KOMPIYA bilang kagamitang pampagkatuto sa Filipino sa kakayahan sa proseso ng pagsulat batay sa pagbabaybay at pagbigkas ay may puna na lubos na sumasang-ayon at literal na paliwanag na lubhang mataas. Lumabas naman na ang antas ng pagganap ng mag-aaral batay sa Pagsulat ng Replektibong Sanaysay ay may mapaglarawang katumbas na Pinakamahusay at may literal na paliwanag na Napakakasiya-siya. Ang naging resulta naman sa ikaapat na suliranin ay walang makabuluhang epekto ang kawastuhan ng KOMPIYA bilang kagamitang pampagkatuto sa Filipino sa pagganap ng mga mag-aaral at ipinapakita nito na “walang makabuluhang” epekto sa pagitan nila. Ang huling resulta ay walang makabuluhang epekto ng KOMPIYA bilang kagamitang pampagkatuto sa Filipino sa Kakayahan sa Proseso ng Pagsulat sa pagganap ng mga mag-aaral at ipinapakita nito na “walang makabuluhang” epekto sa pagitan nila. Nanganguhulugan ito ng kawalang katiyakang ang kagamitan ay nakatulong upang mahubog ang kasanayan ng mga mag-aaral sa proseso ng pagsulat. Sa pamamagitan ng mga inilahad na kinalabasan, ang mga konklusyon sa haypotesis ay dapat tanggapin na walang epekto ang kagamitang pampagkatutong KOMPIYA sa pagganap ng mga mag-aaral. Sa pangkalahatang rekomendasyon, iminumungkahi ng mananaliksik na gamitin ang kagamitang pampagtuturo na KOMPIYA sa ibang track ng SHS tulad ng mga TVL upang mahasa ang kanilang kasanayan sa ortograpiya at maging sa pagsulat.
Keywords: KOMPIYA; kagamitang pampagkatuto; proseso ng pagsulat
Journal Name :
EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR)

VIEW PDF
Published on : 2024-08-14

Vol : 10
Issue : 8
Month : August
Year : 2024
Copyright © 2024 EPRA JOURNALS. All rights reserved
Developed by Peace Soft