WORKTECH: GABAY SA PAGKATUTO AT KASANAYAN SA TEKNIKAL NA PAGSULAT NG MGA MAG-AARAL


Jillian Brosas Dayo
Faculty, Laguna State Polytechnic University
Abstract
Ang pananaliksik na ito ay naglayon na makabuo ng kagamitang pampagkatuto sa Filipino upang mapaunlad ang kakayahan ng mga mag-aaral sa teknikal na pagsulat. Nilayon ng mananaliksik na malaman ang antas ng kabisaan ng Worktech ayon sa batayang simulain at katangian ng mahusay na sulating teknikal, gayundin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa teknikal na pagsulat. Ninais din ng mananaliksik na malaman kung may makabuluhang epekto ang Worktech bilang gabay sa pagkatuto at kasanayan sa teknikal na pagsulat ayon sa batayang simulain at katangian ng mahusay na sulating teknikal. Ang disenyong ginamit ng mananaliksik sa pag-aaral na ito ay Deskriptib. Ang Worktech ay binuo at ipinagamit ng mananaliksik sa mga napiling tagatugon mula sa mga mag-aaral ng Kapayapaan Integrated School, Calamba City na nasa ikalabindalawang baitang ng ICT Strand na may bilang na walumpu (80). Ang mananaliksik ay gumamit ng “Purposive Sampling Technique” sa pagtukoy sa magiging tagatugon. Ang mga talatanungan ay ginamit at pinasagutan sa mga tagatugon upang masagot ang pananaliksik. Lumabas sa pag-aaral ang resulta ng pananaliksik na ito na ang antas ng Worktech bilang gabay sa pagkatuto at kasanayan sa teknikal na pagsulat ayon sa batayang simulain at katangian ng mahusay na sulating teknikal ay may puna na lubos na sumasang-ayon at literal na paliwanag na lubhang mataas. Ang antas ng kasanayan sa teknikal na pagsulat ng mga mag-aaral batay sa krayterya o pamantayan sa pagmamarka ay may mapaglarawang katumbas na Dalubhasa at may literal na paliwanag na napakakasiya-siya. Ipinakita rin sa resulta na walang makabuluhang epekto ang Worktech bilang gabay sa pagkatuto at kasanayan sa teknikal na pagsulat ayon sa batayang simulain at katangian ng mahusay na sulating teknikal. Hindi nagpakita ng makabuluhang epekto sa mga mag-aaral ang Worktech kung kaya’t tinanggap ang mga inilahad na walang bisang palagay. Ibig sabihin ay hindi naging mabisa ang Worktech na binuo ng mananaliksik. Maaaring kinulang ito sa mga katangian na makatutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Matapos ang pag-aaral at pagsusuri sa mga natuklasan, iminumungkahi ng mananaliksik sa mga guro na bumubuo ng mga kagamitang panturo na lakipan ng teknolohiya ang mga kagamitang panturo na bubuoin upang makuha ang interes ng mga mag-aaral sa mga gawaing nakapaloob dito. Maaari ring bumuo ang mga guro ng mga makabagong gawain na may kaugnayan sa teknikal-bokasyunal na pagsulat upang mapunuan ang kakulangan sa mga materyal na ginagamit sa pagtuturo.
Keywords: Worktech; kagamitang pampagkatuto sa Filipino; teknikal na pagsulat
Journal Name :
EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR)

VIEW PDF
Published on : 2024-09-10

Vol : 10
Issue : 9
Month : September
Year : 2024
Copyright © 2024 EPRA JOURNALS. All rights reserved
Developed by Peace Soft